Agad na ipinapatupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang automatic price freeze sa lahat ng pangunahing bilihin matapos ideklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang state of national calamity bunsod ng pinsalang idinulot ng Bagyong “Tino” sa Visayas at Mindanao.
Ayon sa DTI, mananatili ang price freeze sa loob ng 60-araw upang matiyak na hindi tataas ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan sa mga apektadong lugar.
Sa kanilang pahayag, sinabi ng ahensya na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga manufacturer, retailer, at distributor upang mapanatili ang sapat na suplay ng mga pangunahing bilihin at prime commodities.
Tiniyak din ng DTI na ang kanilang mga regional at provincial offices ay naka-alerto at nakahanda sa pagpapatupad at pagsubaybay sa pagsunod ng mga establisimyento sa price freeze.
















