Patuloy ang pagbaha sa dose-dosenang kalsada sa Metro Manila at iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, dulot ‘yan ng malalakas na ulan mula sa habagat na pinalakas ng sunod-sunod na bagyo.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), baha pa rin sa ilang kalsada sa Malabon, kabilang ang Rizal Avenue Extension na not passable to light vehicle at MH Del Pilar Maysilo, na passable to all types of vehicles o nadaanan pa ng lahat ng uri ng sasakyan.
Gayundin sa Navotas sa may Road 10 corner C3 na nadaanan pa ng lahat ng uri ng sasakyan ngunit sa may bandang M. Naval Corner Santiago malapit sa Navotas City Hall ay hindi parin passable sa lahat ng uri ng sasakyan.
Samantala, iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na 11 national roads ang sarado parin sa trapiko dahil sa pagguho ng lupa, sirang slope protection, at matinding pagbaha. Kabilang dito ang Kennon Road sa Tuba, Benguet, Ilang bahagi ng Dagupan City, Pangasinan Candaba at San Miguel roads sa Pampanga, at Diokno Highway sa Batangas.
Bukod pa rito, 35 iba pang national roads ang may limitadong access dulot ng pagbaha, pagguho ng daan, at iba pang panganib. Karamihan sa mga ito ay nasa mga lalawigan ng Pangasinan, Bulacan, Pampanga, Batangas, Cavite, Zambales, Laguna, Mindoro, Albay, Negros Oriental, at Zamboanga del Norte.