-- Advertisements --

Pumalo na sa mahigit 171,000 indibidwal o katumbas ng 47,000 na pamilya mula sa 53 na barangay ang apektado bunsod ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Cebu City gabi ng Martes, Setyembre 30.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), mula sa bilang na ito halos 4,000 pamilya o katumbas ng 20,600 na mga indibidwal ang nananatili sa labas ng mga evacuation centers dulot ng mga aftershocks sa lugar.

Kasunod nito tiniyak ni OCD Deputy Administrator for Administration Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV na patuloy lamang ang operasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para sa assessment ng kasalukuyang sitwasyon sa Bogo City, Cebu na pinakamatinding napinsala ng lindol.

Samantala, batay sa inisyal na assessment ng OCD, nangangailangan ngayon ang mga lugar ng Medellin, Sogod, Bogo City, at Daanbantayan ng power generators, maiinom na tubig, hygiene kits, tents, trapal, flashlights at batteries, mga food packs, at maging internet connectivity.

Pinaka-tinututukan na sa ngayon ng ahensya at ng pamahalaan ang tatlong higit na kailangan ng mga apektadong lugar partikular na ang power restoration, komunikasyon at maging ang housing needs matapos mapinsala ang ilang kabahayan.