Mahigit 38,000 indibidwal mula sa 11,000 pamilya sa iba’t-ibang bayan sa Palawan ang apektado ng Bagyong Tino, ayon sa ulat ng Provincial Emergency Operations Center (EOC) ngayong Nobyembre 5, 2025.
Marami ang lumikas sa mga evacuation center sa Araceli, Busuanga, Linapacan, Roxas, Magsaysay, Dumaran, Taytay, Coron, Culion, Cuyo, at Cagayancillo, habang mahigit 3,000 ang nanunuluyan sa mga kamag-anak.
Pito ang stranded sa Loyola College of Culion mula sa Coron, Busuanga, at Cuyo.
Patuloy ang pagtulong ng lokal na pamahalaan sa mga apektado habang suspendido ang ilang biyahe sa himpapawid at dagat.
Nakaranas naman ng pagkawala ng kuryente ang Araceli, El Nido, at Agutaya, at apektado ang suplay sa Cagayancillo, Coron, Magsaysay, at Quezon.
Isinara rin ang Bulalacao Water Treatment Plant sa El Nido bilang pag-iingat.
Suspendido pa rin ang klase sa 16 na bayan at pansamantalang ipinahinto ang trabaho sa ilang lugar habang walang naiulat na nasawi o nasugatan.
















