Mula sa 11,101 kahapon, nakapagtala ngayong Linggo na 10,098 na bagong kaso ng Coronavirus Disease (COVID) sa bansa.

Sa tala ng Department of Health (DOH) alas-4:00 ng hapon, umakyat na sa kabuuang 936,133 ang mga tinamaan ng deadly virus sa Pilipinas.

Iniulat din ng DOH ang 72,607 na bagong recoveries na siyang pinakamataas na bilang sa loob ng isang araw.

Dahil dito, nasa 779,084 na ang bilang ng mga gumaling mula sa COVID.

Nasa 15,960 naman ang kabuuang bilang ng mga nasawi matapos madagdagan ngayong Linggo ng 150.

Una nang naiulat ng pamahalaan na hanggang sa katapusan ng Abril ay balik sa MECQ (modified enhanced community quarantine) ang Metro Manila at karatig probinsya.