DAVAO CITY – Aabot sa mahigit 1,000 residente ang apektado ng matinding pagbaha sa ilang barangay sa Lungsod ng Davao matapos ang halos anim na oras na pagbuhos ng ulan kagabi.
Nabatid na agad nagpatupad ang Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng forced evacuation sa ilang mga residente na naninirahan sa gilid ng mga ilog partikular na sa Barangay Talomo at Bangkal area.
Sinasabing agad na tumaas ang tubig sa ilog dahil sa matinding pag-ulan dulot ng low pressure area (LPA).
Nag-over flow din umano ang Barangay Balengaeng creek tributaries ng Talomo River na nagresulta sa paglikas ng libo-libong residente.
Ayon pa kay CDRRMO head Alfredo Baloran, nagpatupad sila ng forced evacuation dahil delikado ang mga nabanggit na lugar lalo’t mabilis na tumataas ang tubig kung malakas ang buhos ng ulan sa bundok.
Samantala, apektado rin ang ancestral house ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Taal Bangkal na nauna na ring binaha isang taon na ang nakakaraan.
Walang naitalang casualty ang mga otoridad pero biniberipika pa ang impormasyon na may dalawa umanong bahay na inanod ng baha.
Sa kabilang dako, ipinapatupad pa rin ng CDRRMO ang physical distancing at pagsuot ng face mask sa mga bakwit lalo na at nananatili pa rin ang kaso ng Coronavirus Disease sa siyudad