Muli na namang minalas ang Miami Heat makaraang gulatin ng isa sa nangungulelat na team na Minnesota Timberwolves, 129-126.
Ang late-game collapse ay nagpadagdag sa ikapitong talo ng Heat mula sa siyam na huling laro para masadlak pa rin sila sa 36-22 record.
Ang come-from-behind win ng Timberwolves (17-40) ay mula sa kanilang 20-5 run at sa mahigit tatlong minuto ang nalalabi nang mahabol nila ang 12 points deficit.
Nanguna sa Minnesota sina Malik Beasley na may 21 points, Juancho Hernangomez na napantayan ang kanyang season-high na 17 habang si McLaughlin ay nagdagdag ng 13 puntos.
May tiyansa pa sana ang Heat mula sa lay-up ni Jimmy Butler na may 3.2 seconds ang natitira pero nagawa itong maharang ng tatlong Wolves players.
Ang pagbabalik ni Butler na nagpakita ng 18 points ay makalipas ang dalawang games na hindi ito naglaro dahil sa personal na kadahilanan.
Nasayang din ang pag-angat sa laro ni Kendrick Nunn para sa Miami na may 24 points at si Bam Adebayo ay nagbuslo ng 22 points at 10 rebounds.
Aminado si Heat guard Goran Dragic na dismayado sila sa nangyayari sa team lalo na at namemeligro sila sa No. 4 spot sa Eastern Conference para humabol sa playoff race.
Ang next game ng Timberwolves ay laban sa Orlando sa Sabado.
Samantalang host naman ang Heat sa Dallas.