-- Advertisements --

Binabalangkas na raw ng PBA ang mga protocols na ipatutupad bilang paghahahanda para sa posibleng pagpapatuloy ng 2020 season kasabay ng pagpapaluwag ng gobyerno sa ilang mga restriksyon.

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, tatalakayin sa susunod na pagpupulong ng Board of Governors ang mga health protocols, training guidelines, at ang posibleng pagbabalik ng naudlot na 2020 season.

Inaasahang dadalo nang personal sa pulong sa tanggapan ng liga sa Quezon City sina Chairman Ricky Vargas at karamihan sa mga board members.

“Those who are showing up in the office will observe social distancing. We’re meeting in our video review room, which is about 2.5 times bigger than our regular conference room, so we can strictly observe physical distancing,” wika ni PBA Commissioner Willie Marcial.

Pangunahin daw sa mga pag-uusapan ng lupon ang mga safety measures na ipatutupad sa mga practice.

Bagama’t hindi pa rin papayagan na mag-operate ang mga gyms, sports facilities, at malakihang mga sporting events gaya ng basketball sa ilalim ng general community quarantine, sinabi ni Marcial na hindi naman daw nagmamadali ang liga.

“What we’re looking at is for the players to be able to return to conditioning exercises,” he said. “We’re not rushing. Health and safety of all remain our paramount concern,” ani Marcial.

Pero bago ito, isasailalim ang lahat ng mga opisyal at staff ng PBA sa COVID-19 testing bukas, dalawang araw bago ipatupad ang GCQ sa NCR.

“Of course, we’re hoping everybody’s negative and that we can all go back to attend our duties — full force by June,” anang opisyal.

Una nang sinabi ni Marcial na umaasa sila na papahintulutan na rin sa GCQ ang mga koponan na ipagpatuloy ang kanilang pag-ensayo bilang paghahanda para sa 2020 season.