-- Advertisements --

Nanawagan ang mga jeepney driver at ride-hailing app drivers sa gobyerno na aprubahan na ang kanilang hirit na fare hike increase bilang tugon sa patuloy na pag-sipa ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Boy Vargas, presidente ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), matagal nang naghihintay ang mga jeepney driver sa tugon ng gobyerno sa kanilang petisyon para sa provisional fare increase na isinampa tatlong taon na ang nakalipas.

Bagamat umaasa silang matatanggap ang P1 dagdag-pasahe, nag-aalala umano sila na hindi ito maaprubahan.

Sinugundahan naman ito ng Transport Network Vehicle Services (TNVS), na nagsabing hiling nila ang fare hike mula pa noong 2023, ngunit hindi pa rin aniya ito naaprubahan. Anila, ang fuel subsidy ay pansamantalang solusyon lamang sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Magugunita na ang gobyerno ay naglaan ng P2.5 billion para sa fuel subsidy sa ilalim ng 2025 national budget upang matulungan ang mga public utility drivers, magsasaka, at mangingisda. Ngunit ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi pa kinakailangan ang fuel subsidy dahil bumaba na ang presyo ng langis kasunod ng ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran.