-- Advertisements --

Nagawang maitabla ngayon ng Atlanta Hawks ang serye sa tig-dalawang panalo matapos na ilampaso ang Milwaukee Bucks sa Game 4 ng Eastern Conference finals.

Nagtapos ang score sa 110-88.

Ang panalo ng Hawks ay sa kabila na hindi naglaro ang All-Star point guard ng Hawks na si Trae Young bunsod ng injury o bone bruise na kanyang dinanas noong nakalipas na Game 3.

Gayunman sa panig ng Bucks ang kanilang two-time MVP na si Giannis Antetokounmpo ay hindi rin natapos ang game nang magtamo ito ng injury sa third quarter.

Ayon sa anunsiyo ng team, dumanas si Giannis nang tinatawag na hyperextended knee na kinailangang alalayan ng mga teammates sa paglabas sa court.

Napansing namilipit pa ito dahil sa sobrang sakit sa kanyang kaliwang paa.

Samantala sa pagkawala ni Young umeksena naman si Lou Williams na kumamda ng 21 puntos at si Bogdan Bogdanovic ay nagdagdag ng 20.

Sa halftime pa lamang ang Hawks ay abanse na 51-38, upang ilagay ang Bucks sa kanilang lowest-scoring half ngayong postseason.

Naipasok lamang ng Milwaukee ang 14 of 41 shots at limang mula sa 23 pagtatangka sa three point area.

Minalas din ang Bucks na nagposte ng siyam na mga turnovers.

Ang Game 5 ay gagawin sa Biyernes doon sa teritoryo ng Bucks.