“Nabibingi na ang Pilipino sa pulitika, magtrabaho na tayo!” Ito ang mariing pahayag ni Senator Bong Go kaugnay sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa deliberasyon sa Senado, bumoto si Go pabor sa mosyong isantabi ang pagdinig sa reklamo, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na labag ito sa Konstitusyon.
Giit ng senador, kung may kasalanan ang sinuman, dapat itong panagutin—ngunit hindi raw makatarungan kung ang paghahanap ng hustisya ay labag sa batas.
Ayon pa kay Go, imbes na pamumulitika, mas gusto ng taumbayan na tutukan ng mga halal na opisyal ang tunay na serbisyo. Marami pa raw Pilipino ang naghihirap, nangangailangan ng tulong sa pagpapagamot, at walang pakinabang sa bangayan sa pulitika.
Panawagan ng senador: “Move on na tayo. Balik na sa trabaho.”
Si Go ay kilalang malapit sa mga Duterte, kung saan naging miyembro ito ng gabinete ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, bilang special assistant to the president.