-- Advertisements --

Dumipensa si Sen. Imee Marcos sa mga pasaring laban kay House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng impeachment complaint kay Vice President Sara Duterte.

Sa kanyang privilege speech, binatikos niya ang Kamara sa umano’y pamumulitika at sinabing mas mainam na palitan ang Speaker kaysa ang halal ng taumbayan.

“Sa mga mahal kong kongresista, may suggestion po ako. Kesa inaatupag nyong palitan ang pinili ng taumbayan, bakit di nyo na lang palitan ang tao na kayo lang naman ang pumili?” wika ni Marcos.

“Ano kaya kung yung Speaker nyo na lang ang palitan nyo?” pahabol pa nito.

Nag-ugat ang pahayag sa kontrobersyal na reklamo laban kay VP Duterte na sinabing may basbas ng liderato ng Kamara.

Mariing tinuligsa naman ng mga kongresista ang sinabi ni Marcos, at tinawag itong panghihimasok sa kapangyarihan ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Deputy Speaker David Suarez, walang sinuman sa Senado ang may karapatang magdikta sa liderato ng Kamara.

Pinaliwanag naman ni Marcos na wala siyang intensyong magpasimula ng alitan sa pamilya, at biro lang daw ang kanyang sinabi.

Sa kabila ng kontrobersya, nanindigan si Marcos na dapat unahin ang kapakanan ng taumbayan kaysa pamumulitika.

Sina Sen. Marcos at Speaker Romualdez ay mag-pinsan, habang kaibigan naman ng senadora ang pangalawang pangulo.