-- Advertisements --

Iginiit ni House Committee on Justice Chair at Batangas Representative Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na dapat lamang ipagpatuloy ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte kahit pa ito ay magbitiw sa puwesto.

Ayon kay Luistro, hindi awtomatikong natitigil ang proseso sa pagbibitiw dahil may dalawang parusa sa hatol ng conviction: pagtanggal sa puwesto at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Bagama’t mawawalan ng saysay ang parusang removal kapag nagbitiw na, sinabi niyang mahalagang mapagpasyahan pa rin kung dapat bang ma-disqualify ang opisyal sa hinaharap.

Binigyang-diin ni Luistro na kailangang umusad ang proseso hanggang sa paglilitis sa Senado at paglabas ng hatol kung may sala o wala.

Nauna nang nakitaan ng House Committee on Justice na may sapat na batayan upang ituloy ang pagdinig sa natitirang impeachment complaints laban kay Duterte, na maaaring humantong sa paglilitis sa Senado.