Tinanggihan ni Golden State Warriors forward Jonathan Kuminga ang alok ng kaniyang koponan na $45 million contract extension.
Ang naturang kontrata ay magtatagal sana ng dalawang taon, kasama ang isang team option sa ikalawang taon.
Ayon sa ilang mga NBA insider, ang alok ng GSW kay Kuminga ay ang pinakamalaking offer para sa 22-anyos na forward. Kung tatanggapin ito ni Kuminga, makakatanggap siya ng $21.7 million sa 2025-2026 season.
Mas mataas ito kumpara sa alok ng iba pang mga team tulad ng Phoenix Suns at Sacramento Kings na una nang nakipag-usap sa GSW para sa posibleng trade sa bagitong forward.
Umaabot lamang sa $19.8 million kada taon ang pinakamalaking offer mula sa mga naturang team.
Una nang humirit ang kampo ni Kuminga ng mas mataas na halaga ng kontrata. Sa inisyal na pag-uusap ng GSW at ng agent ni Kuminga, hiniling ng kampo ng bagitong forward ang $82 million 3-year deal, bagay na hindi rin tinanggap ng koponan.
Samantala, bagaman tinanggihan ng kampo ni Kuminga ang extension offer, nananatili pa rin ang negosasyon sa pagitan ng dalawang kampo.
Sa nakalipas na season, bagaman limitado lamang ang minutong inilalagi niya sa hardcourt, gumagawa pa rin ang 2-way forward ng impresibong performance, hawak ang 15.3 points at 4.6 rebounds per game.