Kumolekta ng 37 big points si James Harden upang matuldukan ng Houston Rockets ang kanilang four-game losing streak, at maitala ang 117-111 pagdomina sa Minnesota Timberwolves.

Naghabol ang Rockets sa halos kabuuan ng first half ngunit humataw ang koponan noong third quarter upang angkinin ang abanse at hindi na lingunin pa ang kalaban.

Dahil dito, mistulang nakabawi na rin ang koponan makaraang ilista ang season-high nilang losing skid, dahilan para malaglag sila sa ikaanim na puwesto sa Western Conference habang papalapit ang playoffs.

“Hopefully we’ve learned our lesson and we don’t have to take any steps backwards,” wika ni Houston coach Mike D’Antoni.

Maliban kay Harden, sumandal din ang Houston kay Russell Westbrook na nagtapos na may 27 points.

Namayani naman si D’Angelo Russell na kumamada ng 28 points para sa Timberwolves, na tinanggap ang kanilang ikatlong sunod na pagkabigo.