Abanse na sa western conference finals ang Minnesota Timberwolves matapos tuluyang itumba ang Golden State Warriors sa Game 5 at ibulsa ang series gamit ang gentleman’s sweep (4-1).
Hindi nakahabol ang Warriors sa kabila ng 4th quarter comeback attempt nito na pinangunahan nina Brandin Podziemski at Jonathan Kuminga.
Hawak kasi ng Wolves ang 21-point lead sa pagtatapos ng 3rd quarter 93-72, ngunit pinilit ng Warriors na burahin ang deficit sa loob ng 12 mins.
Bagaman naibaba ng Warriors sa 9 points ang kalamangan 7 mins. bago matapos ang laban, tuluyan ding bumawi ang Wolves sa huling mga minuto at tuluyang ipinalasap ang 9-point loss sa 2022 NBA Champion.
Nanguna muli si Juluis Randle sa panalo ng Wolves at kumamada ng 29 points at walong rebounds habang 12 points at 12 assists naman ang naging kontribusyon ni Anthony Edwards.
Sa pagkatalo ng Warriors, muling gumawa ng impresibong opensa ang sophomore guard na si Brandin Podziemski na kumamada ng 28 points habang 26 points naman ang ambag ng reserve forward na Jonathan Kuminga. Bagaman ibinabad sa loob ng 42 mins., nalimitahan lamang si Warriors star Jimmy Butler sa 17 points at anim na rebounds.
Nanatiling hindi nakakapaglaro si NBA superstar Stephen Curry dahil sa kaniyang hamstring injury, bagay na sinamantala ng Wolves upang umusad sa finals.
Ito na ang ikalawang magkasunod na finals trip ng Timberwolves. Makakalaban ng koponan ang mananalo sa pagitan ng Oklahoma City Thunder at Denver Nuggets kung saan kasalukuyang nasa 3-2 ang serye, pabor sa OKC.