-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Agrarian Reform (DAR) nitong Huwebes na binawi o ipinawalang-bisa nito ang Certificates of Land Ownership Awards (CLOAs) ng ilang agrarian reform beneficiaries (ARBs) na napatunayang lumabag sa pagbabawal sa pagbebenta, pagpapaupa, o pagsasangla ng kanilang lupain sa loob ng itinakdang 10-taong holding period.

Sa isang Palace briefing, sinabi ni DAR Undersecretary Rowena Niña Taduran na may mga na-monitor ang ahensya na mga kaso kung saan umano’y ipinaupa o ibinenta ng ilang benepisyaryo ang kanilang lupain kahit bago pa man pormal na maipagkaloob ang kanilang CLOA.

Sa ilalim kasi ng Republic Act No. 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Law, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta, pagpapaupa, o pagsasangla ng lupang ipinagkaloob sa ARBs sa loob ng 10 taon mula sa petsa ng rehistrasyon ng CLOA o titulo ng lupa.

Gayunman, kinilala ni Taduran na may ilang benepisyaryo ang nahihirapang sumunod sa naturang patakaran dahil sa kakulangan sa puhunan at hamon na kinahaharap ng sakahan.

Upang matiyak ang pagsunod sa batas at mapabuti ang ani at kabuhayan ng mga magsasaka, patuloy umanong nagbibigay ang DAR ng iba’t ibang support services, kabilang ang pamamahagi ng farm machinery at equipment, post-harvest facilities, at access sa credit, lalo na para sa mga apektado ng mga kalamidad.

Dagdag pa ni Taduran, target rin daw ng DAR na makumpleto ang pamamahagi ng lahat ng natitirang agricultural lands sa mga kuwalipikadong benepisyaryo bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2028.