-- Advertisements --

Nagpahayag ng buong suporta ang Department of Agrarian Reform (DAR) ang pagpapatupad ng Executive Order No. 100 at Executive Order No. 101 na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon sa ahensya , malaki ang maitutulong ng EO 100 at EO 101 sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).

Binigyang-diin ng DAR na magkakaroon ng mas makatarungang presyo ng palay at iba pang produktong agrikultural, na magpapataas sa kita ng mga ARB at magpapatatag sa merkado.

Magkakaroon din ng mas maraming pagkakataon para sa mga samahang ARB na direktang magbenta ng kanilang mga produkto sa mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan.

Dagdag pa rito, inaasahan din ang mas maayos na sistema ng pagkatapos-ani (post-harvest) at mas lalakas ang mga lokal na kabuhayan at kooperatiba, na lilikha ng karagdagang trabaho sa kanayunan.

Sa ilalim ng EO 100, pangungunahan ng Department of Agriculture (DA) ang pagtukoy at pagbabago ng pinakamababang presyo (floor price) ng palay, upang maprotektahan ang mga magsasaka laban sa pabago-bagong presyo at hindi patas na kalakalan.

Samantala, isinasaad naman ng EO 101 ang ganap na pagpapatupad ng Republic Act 11321 o Sagip Saka Act, sa pamamagitan ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Program.