Pinag-aaralan pa ng National Basketball Association (NBA) ang ipapataw nitong desisyon kina New Orleans Pelicans guard Jose Alvarado at Phoenix Suns center Mark Williams kasunod ng pagsuntukan sa loob ng court.
Kahapon (Dec. 28 – Phil. time) nang maganap ang suntukan sa pagitan ng dalawang player matapos gawaran si Alvarado ng personal foul.
Hindi ito nagustuhan ng Pelicans guard at kinumpronta ang referree. Kinalaunan, kinumpronta rin niya si Williams, ang player kung saan umano niya nagawa ang foul.
Tuluyang naging mainit ang komprontasyon at kapwa nagsuntukan ang dalawa sa loob ng ilang minuto hanggang sa kinalaunan ay mapag-hiwalay din sila ng kanilang teammates.
Bagaman agad na pinatawan ang dalawa ng ejection mula sa naturang game, inaaral din ng liga ang posibleng pagpapataw ng dagdag na penalty, salig sa rules na sinusunod ng NBA.
Kabilang dito ang posibleng pagpapataw ng $50,000 na multa, sa discretion ng NBA commissioner.
Maaari ring suspindehin ang dalawa, sa loob ng ilang araw, nguni sa ngayon, wala pang malinaw na desisyon.
Samantala, kung babalikan ang resulta ng laban ay tuluyan itong naipanalo ng Suns, 123-114. Bago pinalabas si Williams ay mayroon na siyang 10 pts at walong rebs habang si Alvarado ay nagbulsa na rin ng 7 points, at dalawang steal.
















