Nagbabala si NBA Commissioner Adam Silver na posibleng maharap sa mas mabigat na parusa, kabilang ang pagbawi sa draft picks, ang mga koponan na mapatutunayang sadyang nagpapatalo o nagsasagawa ng tanking.
Sa kanyang pahayag sa All-Star Weekend, inamin ni Silver na mas lumalala ang naturang gawain ngayong season kumpara sa mga nakalipas na taon.
Ito ay matapos patawan ng $500,000 na multa ang Utah Jazz at $100,000 naman sa Indiana Pacers dahil sa roster manipulation at paglimita sa playing time ng kanilang mga key players.
Dagdag pa ng opisyal, seryoso ang liga na protektahan ang integrity ng laro kaya’t bukod sa multa, pinag-aaralan na rin ng competition committee ang pagbabago sa sistema ng draft lottery.
Samantala, inihayag din ni Silver na tatalakayin sa pulong ng board of governors sa Marso ang posibleng expansion ng NBA, bagama’t wala pang kumpirmasyon kung sa Las Vegas o Seattle ilalagay ang mga bagong koponan.
















