Sinamantala ng Minnesota Timberwolves ang hindi paglalaro ni NBA superstar Stephen Curry upang ipalasap sa Golden State Warriors ang 24 points na pagkatalo sa Game 2, 117-93.
Itinabla ng Wolves ang serye sa 1-1 sa pamamagitan ng all-around performance ni Juluis Randle na kumamada ng 24 points, 11 assists, at pitong rebounds. Tig-20 points din ang ambag ng guard at reserve guard na sina Anthony Edwards at Nickeil Alexander-Walker.
Naging madali para sa Wolves na itumba ang Warriors matapos nitong iposte ang 14-point lead sa unang quarter, 29-15. Sunod-sunod na ang ginawa ng Wolves na dominanteng play sa bawat quarter sa kabila ng pagtatangka ng Warriors na bumawi sa 2nd half ng laban.
Hindi naisalba ni Warriors forward Jimmy Butler ang GS matapos siyang malimitahan sa 17 points at pitong rebounds, sa kabila ng 34 mins na pananatili sa hardcourt.
Sa panayam kay Warriors head coach Steve Kerr matapos ang Game 2, ibinunyag niyang tuluyan na nilang ibinigay sa Wolves ang naturang laban nang masuring hindi na nila kayang baliktarin ang kinalabasan nito, ilang minuto bago ito matapos.
Hindi na rin aniyagaanong ibinabad ang defensive specialist ng koponan na si Draymond Green kasunod ng panibagong technical foul na inabot niya sa kalagitnaan ng Game 2, ang pang-limang TF na kaniyang nakuha ngayong playoff.
Kung tatawagan pa si Green ng dalawang karagdatang technical foul, otomatiko na siyang sususpindihin ng isang game.
Para kay Wolves forward Juluis Randle, nagsilbing motibasyon niya ang pagkatalo ng kaniyang koponan sa Game 1, kasama ang mga nauna niyang shots na hindi kumunekta.
Sa pangunguna niya sa opensa ng Wolves, kinailangan lamang umano niyang i-channel ang naturang motibasyon upang tuluyang itumba ang Golden State
Gaganapin sa araw ng Lingo, May 11, ang Game 3 sa pagitan ng dalawang team. Magsisilbing host na ang GS sa ikatlo at ika-apat na game habang muling babalik sa homecourt ng Wolves ang Game 5.