-- Advertisements --

Hawak na ng Oklahoma City Thunder ang 2-0 lead laban sa Minnesota Timberwolves matapos nitong muling dominahin ang Game 2, sa tulong ng 38-point performance ni NBA star Shai Gilgeous-Alexander.

Hindi nagtagumpay ang 4th quarter comeback ng Wolves upang agawin sana ang 2nd game sa homecourt ng Thunder.

Hawak kasi ng Oklahoma ang 22 points na kalamangan sa pagtatapos ng 3rd quarter, sa tulong ng dominanteng performance. Pagpasok ng 4th quarter ay pinilit ng Wolves na burahin ang deficit at nagawa nilang ilapit ang score sa 97-107, 3 mins at 10 secs bago tuluyang matapos ang laban.

Agad namang hinigpitan ng Thunder ang depensa at unti-unti muling lumayo mula sa Wolves hanggang sa nalalabing tatlong minuto.

Bagaman naging aggresibo ang Wolves sa nalalabing minuto, hindi na muli nito nailapit ang score at tuluyang natapos ang laro sa score na 118-103, pabor sa Thunder.

Maliban kay Shai, bigtime performance din ang ginawa ng dalawang Thunder foward na sina Jalen Williams at Chet Holmgren.

Kumamada si Williams ng 26 points at sampung rebounds habang 22 points ang kontribusyon ng bagitong si Chet.

Bagaman solidong all-around performance muli ang ginawa ng Wolves guard na si Anthony Edwards sa kaniyang 32 points at siyam na rebounds, mistulang inalat ang ibang scorer ng koponan kung saan tanging 6 points lamang ang nagawa ni Juluis Randle habang 5 points naman ang kontribusyon ng bigman na si Rudy Gobert.

Dahil sa Game-2 win, dalawang panalo na lamang ang kailangan ng Thunder upang tuluyang umusad sa NBA Finals 2025.

Samantala, ang Game 3 at 4 sa pagitan ng dalawang koponan ay gagananapin na sa homecourt ng Timberwolves.