CEBU CITY – Isinailalim na sa “hard lockdown” ang Lungsod ng Cebu matapos nag-anunsyo kagabi si Cebu City Mayor Edgar Laballa kung saan suspendido ang validity ng quarantine pass na inilabas ng City Government.
Ito ay alinsunod sa utos ni Interior Secretary Eduardo Año matapos na maabutan ng National Inter Agency Task Force na maraming tao ang lumabas kahit na nasa enhanced community quarantine (ECQ) pa ang lungsod.
Itinalaga si Police Regional Office Region-7 Director PB/Gen. Albert Ignatius Ferro na pamunuan ang pagpatupad ng istriktong quarantine measures sa siyudad.
Dito ay huhulihin ng mga pulis ang sinumang naglalakwatsa kahit magpakita pa ito ng ECQ pass.
Iginiit naman ni Ferro na tanging mga frontliner at essentials personnel ang maaaring lumabas pero kailangan magpakita ng Identification Card at Certificate of Employment.
Nakatakdang makipagpulong si Ferro kay Labella ngayong araw upang pag-usapan ang ilalabas na bagong quarantine pass at ang mga guidelines nito.
Nakaalerto rin ang mga pulis sa lahat sa estasyon sa lungsod upang masiguro na masusunod ang bagong patakaran.
Dagdag dito, nakadeploy na ang mga military tank na tutulong upang manatili ang kaayusan sa syudad sa gitna ng pandemya.