-- Advertisements --

Inaasahang dalawa hanggang apat na bagyo ang maaaring mabuo at pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong buwan ng Setyembre.

Bukod sa mga inaasahang bagyo, patuloy rin ang pag-iral ng southwest monsoon o hanging Habagat, na maaaring mas palakasin ng mga paparating na sama ng panahon.

Sa kasalukuyan, mayroong low pressure area (LPA) na minomonitor malapit sa Camarines Norte.

Ang mga LPA na ito ay posibleng maging ganap na bagyo sa mga susunod na araw.

Nabatid na karaniwang binibisita ng humigit-kumulang 20 bagyo ang Pilipinas kada taon, at ang buwan ng Setyembre ay isa sa mga peak months ng typhoon season.

Sa listahan ng mga pangalan ng bagyo para sa 2025, ilan sa mga posibleng gamitin ngayong buwan ay “Kiko,” at “Lannie” depende sa bilang ng mga bagyong pumasok na sa PAR ngayong taon.

Batay sa forecast ng DOST, ang mga rehiyon tulad ng Bicol, Eastern Visayas, at Quezon ay makakaranas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog. Ang Metro Manila, MIMAROPA, at ilang bahagi ng Mindanao ay maaari ring makaranas ng pag-ulan dulot ng Habagat.

Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa mabababang lugar at bulubunduking rehiyon, na maging alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa. Patuloy ang pagbibigay ng update ng PAGASA sa kanilang opisyal na website at social media platforms.