Iniutos ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng kanilang mga unit sa buong bansa na maging handa at alerto sa posibleng epekto at pananalasa ng Bagyong Wilma.
Bilang paghahanda, inatasan ang bawat istasyon at regional office na magsagawa ng kinakailangang paghahanda upang maprotektahan ang buhay at ari-arian ng mga mamamayan.
Ayon kay Acting PNP Chief PLTGEN Jose Melencio Nartatez Jr., ang PNP ay magpapaigting ng kanilang koordinasyon at pagtutulungan sa iba’t ibang local government units (LGUs) at iba pang concerned government agencies upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa harap ng banta ng bagyo.
Sinabi ni Nartatez na ang lahat ng mga personnel ng PNP ay naka-alerto na at nakahanda ang buong puwersa para sa posibleng preemptive evacuation ng mga residente sa mga lugar na Directly maaapektuhan at para sa prepositioning ng mobility assets tulad ng mga sasakyan at rescue assets gaya ng mga bangka at medical supplies.
Higit pa rito, hinikayat ng PNP ang lahat ng mga komunidad na manatiling alerto, makinig at sumunod sa mga weather updates na ibinibigay ng state weather bureau, at makipagtulungan ng buong puso sa mga awtoridad upang masiguro ang kanilang sariling kaligtasan at ng kanilang mga pamilya.
















