Kinumpirma ni House Speaker Martin Romualdez na mayroong nakalaan na halos P500 bilyon ayuda sa ilalim ng panukalang 2024 national budget para tulungan ang tinatayang 48 milyong Pilipino mula sa 12 milyong mahihirap na pamilya.
Sinabi ni Speaker ito ang kauna-unahan sa ilalim ng administrasyon ni Pang. Marcos na naglaan ng pondo bilang tulong sa mga mahihirap na kababayan natin na hindi sapat ang income.
Pinasalamatan ni Romualdez si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations, Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate Finance Committee, at sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso sa paggawa ng isang pro-people budget.
Nakatakdang lagdaan ni Pangulong Marcos ang 2024 General Appropriations Bill (GAB) sa Miyerkoles sa isang simpleng seremonya sa Malacañang.
Ayon kay Speaker Romualdez sa ilalim ng panukalang national budget ay kasamang popondohan ang bagong programang AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita.
Ayon sa lider ng Kamara, ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng one-time cash assistance na nagkakahalaga ng P5,000.
Sinabi ni Speaker Romualdez na P23 bilyon ang nakalaang pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development at P30 bilyon naman sa Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment.
Magpapatuloy din umano ang mga programa para sa libreng pagpapagamot, konsultasyon, at medisina para sa mga mahihirap.
Sinabi ni Speaker Romualdez na sa mga darating na araw ay matatapos na ang mga housing projects ng gobyerno.
Ang Kongreso ay naglaan din ng P1.5 bilyon para sa pagpapalaki ng airport sa Pag-asa Island na isang hakbang upang igiit ang soberanya ng bansa sa West Philippine Sea.
Bukod dito, sinabi ng lider ng Kamara na mayroong nakalaang P800 milyon para sa pagtatayo ng shelter port para sa mga mangingisda at kanilang bangka sa Lawak, Palawan isang isla na pinakamalapit sa Ayungin Shoal, kung saan nakadestino ang mga sundalong Pilipino sa pinasadsad na BRP Sierra Madre.