Halos P3 milyong halaga ng uncertified vaporized nicotine at non-nicotine products at novel tobacco items ang nasamsam sa National Capital Region (NCR) sa loob ng tatlong buwan nitong taon, ayon sa ulat ng Department of Trade and Industry (DTI).
Sa isang pahayag, sinabi ng DTI na ang kanilang fair trade enforcement bureau ay nakakumpiska ng 9,695 units ng uncertified e-cigarettes na may tinatayang halaga na P2.98 milyon sa pamamagitan ng regular inspection sa mga vape shop mula Pebrero 9 hanggang Abril 26.
Sinabi ng DTI na nag-inspeksyon ito sa 390 mga physical stores na kung saan 121 na mga kumpanya ang nakitang sumusunod sa mga batas habang 163 ang nakitang may mga paglabag.
Ang natitirang 121 na kumpanya, aniya, ay sarado o hindi na nagbebenta ng mga produkto ng vape.
Samantala, napag-alaman din ng DTI na 86 lamang sa 16,376 online vape shops ang nakitang sumusunod sa batas.
Sinabi ng ahensya na ang mga tindahan na may mga paglabag ay sinabihan na magsumite ng written explanation.
Mula rito, sinabi ng DTI na 56 na pormal na kaso ang isinampa laban sa mga lumabag sa Republic Act No. 11900 at sa mga implementing rules and regulations nito.