Isiniwalat ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada na umaabot sa halos 80 ang mga sasakyang pagmamay-ari umano ng mag-asawang Discaya at ng kanilang mga kumpanya, kabilang dito ang humigit-kumulang 40 na luxury cars.
Sa kanyang manifestation sa plenaryo ng Senado sinabi ni Estrada na sa isinagawang operasyon ng Bureau of Customs sa isang ari-arian ng mga Discaya sa Pasig City, tatlo lamang sa 12 luxury cars ang natagpuan.
Batay sa record ng Land Transportation Office (LTO), nasa 63 na sasakyan ang nakapangalan sa mag-asawa—mula sa mga mainstream brands hanggang sa high-end vehicles.
Subalit iginiit ni Estrada na may mga sasakyang nabanggit ni Sarah Discaya sa naunang pagdinig na hindi kasama sa opisyal na tala ng LTO.
Dagdag pa rito, may walong luxury vehicles din na hindi rin umano nakarehistro sa LTO na nakapangalan sa mag-asawang Discaya.
Napag-alaman din ng opisina ni Estrada na mayroon pang anim na mamahaling sasakyan ang mag-asawa.
Giit ni Estrada, tila nakalululang yaman ito. Kung doon lamang aniya sa 28 luxury cars na isinapubliko ni Sara ay hindi na raw siya makapaniwala, wala pa aniya sa kalahati ang kabuuang bilang ng kanilang mga sasakyan.