-- Advertisements --
IMG 20200506 131025

Target ngayon ng pamahalaan na madagdagan pa ang swabbing centers para sa mas mabilis na Coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing dito sa Pilipinas.

Ayon kay Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President & CEO at National Task Force (NTF) for COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon, nasa 58 pang testing centers ang target nilang ipatayo para magkaroon ng kabuuang 78 na pasilidad.

Aniya, kapag naisakatuparan ito target din nilang magkaroon ng 30,000 tests kada araw simula sa Mayo 30.

Binigyang diin ni Dizon ang kahalagahan ng testing para ma-contain ang pagkalat ng naturang virus.

Kahapon nang ininspeksiyon ang isa sa apat na swabbing centers dito sa Metro Manila, ang Palacio De Maynila tent na matatagpuan sa Roxas Boulevard.

Ang mega swabbing center ay ininspeksiyon nina COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez, Jr., Deputy Chief Implementer Vince Dizon, Department of Health (DoH) Secretary Francisco Duque III at Philippine Coast Guard Commandant Admiral Joel Garcia.

Matatagpuan sa pasilidad na sumailalim sa inspection ng national task force representatives ang 65 specimen collection booths.

Ang mga booth ay itinayo para siguruhin ang proteksiyon ng mga health workers.

Dito rin posibleng ma-detect ang mga pasyenteng may virus at sa pamamagitan ng naturang facility ay agad maisasailalim sa isolation ang mga pasyente mula sa komunidad.