-- Advertisements --

Nakapagtala ng hindi bababa sa 235 na personalidad ang naaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa loob lamang ng 24 oras.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni NCRPO Chief PMGen. Anthony Aberin na ang mga operasyon ay isinagawa simula 6:00am ng umaga ng Agosto 29 hanggang 5:59am ng umaga ng Agosto 30.

Aniya ang mga naitalang aresto ng kanilang tanggapan ay nagpapatunay lamang ng kanilang agresibong enforcement operations laban sa mga iligal na droga, illegal gambling, wanted persons, loose firearms at mga paglabag sa simpleng mga lokal na ordinansa.

Samantala, humigit kumulang 34 indibidwal naman ang arestado na may kaugnayan sa mga operasyon ng NCRPO kontra droga habang 63 naman ang nahuli dahil sa iligal na pagsusugal.

81 wanted personalities naman at limang suspek ang arestado sa mga operasyon ikinasa na may kinalaman naman sa posession of loose firearms habang 52 naman ang naitalang naaresto dahil naman sa iba’t ibang paglabag.