Nakatakda nang tanggalan ng protective security detail ng Police Security and Protection Group (PSPG) ang nasa 72 government officials at 107 private individuals.
Ito’y sa pagsisimula ng election period sa January 9, 2022, na tatagal hanggang June 8, alinsunod sa kautusan ng COMELEC (Commission on Elections).
Ayon kay PSPG spokesperson Major Jackson Cases, kailangan pa ng mga ito na mag-apply sa COMELEC kung nais nilang maibalik ang kanilang mga police escort.
Base aniya sa COMELEC resolution, lahat ng mga security detail mapa-politiko o private individual ay ire-recall ng PSPG kahit hindi tatakbo sa halalan ang mga ito.
Ire-recall din ng PSPG ang nasa 300 pulis na nagbibigay seguridad sa nasa 178 politiko simula sa January 9.
Maaari naman aniyang maibalik ang mga police detail kung mabibigyan sila ng “exemption” ng COMELEC.
Sinabi ni Cases, hindi naman kabilang sa aalisan ng police detail ang presidente, bise presidente, Senate president, Speaker of the House, Chief Justice of the Supreme Court, COMELEC chairman at commissioners, Defense Secretary, Interior Secretary, Armed Forces of the Philipines chief of staff, at Philippine National Police chief.
Samantala, simula na rin ang pag-iral ng gun ban sa January 9, na nangangahulugang suspendido ang lahat ng permit to carry firearms outside of residence.
Maaari lamang aniyang magdala ng baril ang isang indibidwal kung may letter of authorization ito mula sa COMELEC.
Maging ang mga pulis ay bawal magbitbit ng baril kung hindi sila naka-duty at nakauniporme.
Magsisimula na ang pagtanggap ng aplikasyon para sa exemption ng pagtanggal ng police detail at gun ban sa December 9, 2021.