Opisyal nang iprinoklama si Senator Nancy Binay bilang bagong Alkalde ng Makati City at iba pang nanalo sa lungsod ngayong araw Mayo 13, isang araw matapos ang 2025 midterm elections.
Ito ay matapos makuha ng Senadora ang pinakamataas na bilang ng boto na umabot sa 114,898 at tinalo ang kaniyang katunggali at bayaw na si Luis Campos.
Nagpakita naman ng suporta ang pamilya ni Sen. Binay na dumalo sa kaniyang proklamasyon sa Makati Coliseum kabilang si dating Vice President Jejomar Binay at kaniyang kapatid na si dating Makati Mayor Jun Jun Binay.
Sa panayam kay Senator Nancy Binay, inihayag niya na uunahin niya sa oras na pormal na siyang umupo sa pwesto sa Hunyo 30 ang pagsisilbi sa mamamayan ng Makati.
Aniya, kaniyang ipagpapatuloy ang mga nasimulan ng kaniyang ama na si dating VP Jejomar Binay na dati ding nagsilbing alkalde ng Makati at ng kaniyang mga kapatid kabilang na ang mga nagawa ni incumbent Mayor Abby Binay.
Pagdating naman sa isyu sa EMBO barangay, inihayag ni Sen. Binay na handa siyang makipag-usap sa alkalde ng Taguig na si Mayor Lani Cayetano.
Samantala, inaabangan din ng mga tagasuporta ng mga nanalong kandidato ang proklamasyon ng mga bagong mamumuno sa lungsod
Ilan dito ang mga tagasuporta ng pamilya Binay na si Joan Retumban at Jun dahil sa magandang nagawang programa ng mga ito sa Makati.
Samantala, iprinoklama naman bilang Bise Alkalde si Kid Peña matapos makuha ang 146,771 votes
Nahalal naman bilang kinatawan ng unang distrito ng Makati City si Monique Lagdameo matapos makakuha ng kabuuang 130,355 votes habang nanalo naman bilang kinatawan ng ikalawang distrito si Alden Almario na nakakuha ng 19,834 votes.