-- Advertisements --

Tinupad ni Vice President Sara Duterte ang kanyang pagdalo sa unang preliminary investigation ng prosecutor-general na nakaskedyul ngayong ika-siyam ng Mayo.

Dumating mismo ang ikalawang pangulo sa Department of Justice, lungsod ng Maynila upang iprisenta ang kanyang sarili sa piskalya.

Kaugnay ito sa kanyang kinakaharap na mga reklamong ‘inciting to sedition’ at ‘grave threats’ na inihain ng National Bureau of Investigation laban sa kanya.

Ang naturang mga paratang ay kasunod ng kanyang mga pagbabantang binitawan sa mismong pinakalider ng bansa na si Pangulong Bongbong Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.

Matatandaan noong nakaraang taon na lantarang inihayag ng bise presidente na mayroon umano siyang inutusan ng pumatay sa mga nabanggit na personalidad sakali mang may mangyari sa kanya.

Kasama ni Vice President Sara Duterte sa pagharap sa preliminary investigation ang kanyang legal team na binubuo nina Atty. Paul Lim at Atty. Michael Poa.

Kung saan kinumpirma mismo ng kanyang abogadong si Atty. Michael Poa ang pagsusumite ng ‘counter affidavit’ bilang sagot sa mga paratang na ibinabato laban sa kanya.

Samantala, ibinahagi naman ng isa pa niyang abogado na si Atty. Paul Lim na kabilang sa mga nakalahad sa isinumiteng counter-affidavit na hindi tuluyang maisampa sa korte ang naturang mga paratang.

Kung saan hiling ni Vice President Sara Duterte sa kanyang isinumiteng dokumento na maipabasura ang mga reklamong ito na kanyang kinakaharap.

“Counter affidavit na naglalahad na nga ng mga kanyang mga dahilan kung bakit dapat hindi na ipagpatuloy at ibasura nalang ang mga paratang, mga reklamo ng NBI laban sa kanya,” ani Atty. Paul Lim, abogado ni Vice President Sara Duterte.

Ang ikalawa namang susunod na preliminary investigation ng Prosecutor-General ay nakatakda namang isagawa sa darating na Mayo 16, ng kasalukuyang taon.