Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko laban sa mga pekeng dokumento, tulad ng liham na nagpapanggap na mula sa ahensya at humihingi ng pera sa mga tatanggap nito.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ginagamit ng mga scammer ang ganitong klaseng liham upang takutin at madaliang hikayatin ang biktima na magpadala ng pera. Isa sa mga natanggap nilang kaso ay isang pekeng liham na may pirma umano ni Viado at ipinadala sa isang babae sa Pampanga.
Ayon kay Viado, bahagi ito ng tinatawag na “love scam” kung saan pinaniniwala ang biktima na ang kanilang dayuhang karelasyon na nakilala online ay naharang sa paliparan. Nilalaman din ng liham ang babala na itigil ang pakikipag-ugnayan sa naturang dayuhan, kasabay ng mga banta na may kaugnayan sa Anti-Money Laundering Act.
Ang nasabing liham ay nag-utos sa biktima na makipag-ugnayan sa isang “opisyal” sa pamamagitan ng social meida at isang mobile number, at nagbigay ng instruksyon na magpadala ng pera sa isang pribadong bank account—na hindi awtorisado ng BI.
Hinimok ang publiko na huwag magpaloko sa ganitong uri ng scam. Inatasan na ng BI ang mga awtoridad na magsagawa ng imbestigasyon.