Sumampa na sa 132 ang bilang ng mga indibidwal na nasawi habang 140 naman ang sugatan matapos ang pagyanig ng malakas na lindol sa western area ng Jajarkot sa Nepal na nagsanhi rin ng pagguho ng mga gusali at kabahayan hanggang sa New Delhi, India.
Batay sa datos ng National Seismological Center ng Nepal, ang naturang lindol ay may lakas na magnitude 6.4 at naganap dakong alas-11:47pm sa Jajarkot district ng Karnali province.
Ayon sa mga local officials, sa ngayon ay hindi pa sila makapag-establish ng mga contact sa mga lugar malapit sa epicenter ng lindol sa Jajarkot na tinatayang tinitirhan ng nasa 190,000 na mga residente.
Ito ay sa kadahilanang naharangan ng mga gumuhong lupa at gusali ang mga kalsada patungo sa nasabing lugar dahilan kung bakit kinakailangan munang isagawa ang clearing operations sa lugar upang makapasok ang mga search and rescue team sa mga apektadong lugar ng nangyaring malakas na paglindol.
Samantala, kaugnay nito ay nagpahayag naman ng pakikiramay at pagdadalamhati si Prime Minister Pushhpa Kamal Dahal para sa mga pamilyang nawalan ng mga mahal sa buhay nang dahil sa nangyaring trahedya.