Sinabi ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na sila nagulat sa mga isinumiteng ebidensya ng International Crmininal Court (ICC) kaugnay ng kaso laban sa dating pangulo.
Ayon kay Atty. Nicholas Kaufman, bagaman hindi niya maaaring ibunyag ang reaksyon ni Duterte o ang strategy ng kanilang kampo, masusi naman aniya nilang sinusuri ang mahigit 2,300 dokumentong isinumite ng prosekusyon mula noong Hulyo 1 hanggang 4. Aniya, ang ilan sa mga ito ay may hanggang 100 pahina bawat isa.
Dagdag pa ni Kaufman, binubuo ng siyam na eksperto ang kanilang team na nakatutok sa paghahanda para sa confirmation of charges hearing sa Setyembre ng taong ito.
Sa kabilang banda, sa bagong dokumentong inilabas nitong Hulyo 10, muling iginiit ng kampo ni Duterte na walang hurisdiksyon ang ICC sa kaso, na may kaugnayan sa madugong kampanya kontra droga noong siya ay alkalde ng Davao at pangulo ng bansa.
Samantala, binanggit din ni Kaufman ang pag-suporta ng ilang Pilipino sa panawagang maibalik sa bansa si Duterte, gaya ng resolusyon ni Senador Alan Peter Cayetano para sa house arrest. Ayon sa abogado, nararapat lamang na litisin ang dating pangulo sa ilalim ng justice system sa Pilipinas.
Tungkol naman sa kalusugan ni Duterte, sinabi ni Kaufman na nasa mabuting kondisyon ito sa kabila ng edad at halos apat na buwang pagkakapiit sa The Hague.
Hindi rin umano naaangkop na maglabas ng health bulletin dahil sa karapatang pangkalusugan ng akusado.