TACLOBAN CITY – Tatlo na ang kumpirmadong patay sa pananalasa ng Bagyong Ursula sa malaking bahagi ng Eastern Visayas.
Ayon kay Sher Ryshiah Saises, Civil Defense Officer 3 ng Office of Civil Defense-Region 8, isang nagngangalang S/Sgt. Charles Pongos ang naitalang patay sa Malitbog, Southern Leyte.
Sinasabing habang nagpapatrolya at nagreresponde ito sa kanilang lugar ay natamaan ito ng poste at aksidenteng nakuryente.
Maliban dito, isang menor de edad ang namatay matapos makuryente rin habang pauwi naman ito sa kanilang bahay sa Baybay, Leyte.
Isa rin ang casualty mula sa Cabucgayan, Biliran, na natamaan ng natumbang punong-kahoy.
Sa ngayon ay patuloy na kinukumpirma ang nai-report na casualties sa Guiuan at Balangkayan sa Eastern Samar kasama ang isang senior citizen na diumano’y nalunod sa nangyaring storm surge.
Samantala, apat ang naitalang nawawala na biniberipika pa ng mga otoridad.
Nabatid na sa ngayon ay pahirapan pa rin ang komunikasyon sa Eastern Visayas dahil maraming lugar lalo na sa Samar provinces na lubhang tinamaan ng bagyo ang wala pa ring cellphone signal.