TOKYO – Halos 20 katao na ang iniwang patay ng pananalasa ng Typhoon Hagibis sa Japan.
Ayon sa mga opisyal, ilan sa mga nasawi ay bunsod ng pagguho ng lupa habang may iba rin ang inanod sa tubig-baha kahit yaong mga nasa sasakyan.
“Overnight, we issued evacuation orders to 427 households, 1,417 individuals,” saad ni Yasuhiro Yamaguchi na emergency official sa Nagano City.
Maliban sa mga namatay, nasa 13 pa ang naitalang nawawala.
Sa ngayon, nakadeploy na sa Japan ang nasa 27,000 military troops na magsisilbi na ring rescuers.
“The government will do its utmost,” ani Prime Minister Shinzo Abe said.
Nabatid na maraming residente ang stranded sa kani-kanilang rooftop ngunit unti-unting nililigtas ng mga helicopter, habang ang tanyag na bullet train sa central Nagano prefecture ay hindi nakaligtas sa baha.
Ngayong araw, bahagya umanong humina ang hagupit ng nasabing bagyo sa Japan pero nakansela na naman ang isa pang batch ng maglalaban sa Rugby World Cup.
Ito ay sa pagitan ng Namibia at Canada na gaganapin sana sa Kamaishi sa bahagi ng Iwate Prefecture ngunit napinsala na ni “Hagibis.”
Gayunman, natuloy ang noo’y “50-50” pang faceoff ng Japan at Scotland.
Ayon sa tournament organisers, nainspeksyon na kasi ang Yokohama Stadium na siyang venue ng laro.
“Full assessment confirms venue ready to host big Pool A match,” anila.
Una nang nakansela ang paghaharap sana ng England laban sa France, gayundin ng New Zealand sa Italy kahapon, na parehong araw ng pag-landfall ng Typhoon Hagibis.
Kasalukuyang ginaganap ang naturang world cup sa Japan na magtatagal pa hanggang sa November 2. (BBC/CNA)