-- Advertisements --

Dumipensa ang Government Service Insurance System (GSIS) sa pamumuhunan nito sa online gambling platform.

Ito ay matapos sitahin ni Senator Risa Hontiveros ang mahigit P1 billion na investment ng state pension fund institution sa online gambling.

Sa isang statement, kinumpirma ng GSIS na nag-invest ito sa gaming giant na DigiPlus Interactive Corp. subalit hindi nito isiniwalat ang halaga na kanilang ipinuhunan.

Inihayag din ng GSIS na ang kanilang mga hakbang sa pamumuhunan ay nakahanay sa mandato nito para protektahan at palaguhin pa ang pinaghirapang kontribusyon ng bawat manggagawa ng gobyerno.

Sa kabila nito, tiniyak ng GSIS na nananatiling matatag, secure at “actuarially sound” ang social insurance fund kasama ang P1.88 trillion sa kabuuang assets at P76.82 billion sa net operating income base sa datos noong Hunyo 2025.

Sinabi din ng ahensiya na nakapagtala ito ng 5-year average return sa investments na nasa 6.75%.

Sa kabila nito, inamin ng GSIS ang pangangailangan na mabusisi ang internal safeguards at nangakong magsasagawa ng komprehensibong review sa kanilang polisiya sa investment lalo na sa mga nasa high-risk o sensitibong industriya.

Sa gitna din ng kritisismo sa kanilang investment, nakahanda silang ipresenta ang lahat ng mga dokumento at datos sa kaukulang mga awtoridad. Bilang pinagkatiwalaan aniya ng publiko, pinagtibay ng state fund pension ang hindi natitinag na commitment nito na kumilos sa pinakamahusay na interest ng kanilang mga miyembro at pensioners.

Makikipagtulungan din ang ahensiya sa oversight institutions at regulatory bodies kaugnay sa kanilang investment sa online gambling platform kasabay ng pangakong pagsuporta sa transparency at pananagutan sa lahat ng kanilang aktibidad sa pamumuhunan.