Bilang bahagi ng Oplan Paalala Iwas Paputok, nagsagawa ang mga awtoridad ng masusing fire safety inspection sa mga tindahan na nagbebenta ng paputok at iba pang pyrotechnic devices sa Calbayog City, Samar.
Layon ng hakbang na ito na tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko at ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang inspeksyon ay pinangunahan ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP), ang Bureau of Fire Protection (BFP), at ang Explosive Ordnance Disposal (EOD) K9 Unit.
Pangunahing layunin na masiguro na ang lahat ng mga nagtitinda ng paputok ay mahigpit na sumusunod sa mga umiiral na batas at regulasyon hinggil sa fire safety.
Sa loob ng inspeksyon, masusing sinuri ng mga awtoridad ang iba’t ibang aspeto ng pagtitinda ng paputok.
Kabilang dito ang pagiging handa ng mga tindahan sa mga posibleng emergency, gaya ng pagkakaroon ng mga balde na puno ng tubig at buhangin na madaling magagamit sakaling magkaroon ng sunog.
Tiningnan din nila kung mayroon bang fire extinguisher ang bawat tindahan at kung ito ay nasa maayos na kondisyon.
Tiniyak din ng mga awtoridad na ang lokasyon ng mga selling area ay ligtas at malayo sa mga posibleng pagmulan ng apoy o anumang bagay na maaaring magdulot ng panganib.
Patuloy namang pinaalalahanan ang publiko na iwasan ang paggamit ng mga iligal na paputok.
















