Hinikayat ng Ban Toxics ang Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau na gabayan ng maayos ang Philippine National Police (PNP) sa pagsira sa mga paputok na nakukumpiska nito sa mga serye ng operasyon.
Ginawa ng advocacy group ang apela, kasabay ng bulto-bulto ng mga iligal na paputok na inaasahang makukumpiska sa kabuuan ng holiday season.
Giit ni Ban Toxics advocacy and campaign officer Thony Dizon, dapat ay maglabas ang DENR ng malinaw at akmang guidelines na maaaring sundin ng PNP para sa disposal o pagtatapon sa mga sinisirang paputok.
Mayroon aniyang tamang treatment at storage para sa mga nasisirang paputok, at hindi lamang dapat itinatapon sa kahit saang mga basurahan.
Sinuportahan din ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum ang apela ng grupo.
Ayon sa kalihim, may akmang paraan para sa pagtatapon ng mga paputok, tulad ng paglublub sa mga ito sa tubig sa loob ng takdang oras, maglagay sa double bag at pagselyo sa mga ito.
Aniya, maaaring magdulot ng kontaminasyon kung ibaon lamang ang mga ito matapos masira.
















