-- Advertisements --

Pinapaimbestigahan ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Representative Leila de Lima sa Kamara ang umano’y mapanganib at kaduda-dudang transaksyon ng Government Service Insurance System (GSIS) na nagdulot umano ng P8.8 bilyong piso na pagkalugi.

Sa ilalim ng House Resolution No. 414, iginiit ni De Lima na kailangang busisiin ang mga desisyong pinansyal ng GSIS dahil ito ay pera ng mga kawani ng gobyerno.

Batay sa resolusyon, isang liham na may petsang Oktubre 14, 2025 mula sa ilang kasalukuyan at dating miyembro ng GSIS Board of Trustees ang nanawagan sa agarang pagbibitiw ni GSIS President at General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso, matapos umanong magdulot ng malaking pagkalugi dahil sa maling pamumuhunan.

Batay sa inihaing HR 414, may mga ulat na hinati-hati umano ang ilang transaksyon ng GSIS upang makaiwas sa pagsusuri ng Board kapag lumampas sa ₱1.5 bilyon. May alegasyon din na nilaktawan ni Veloso ang mga proseso sa pamamahala at nilinlang ang mga rekord upang itago ang iregular na mga transaksyon.

Paliwanag ni De Lima dapat maimbestigahan ang mga seryosong akusasyong ito upang malaman kung tumatalima ang GSIS sa mga pangunahing prinsipyo ng liquidity, safety, at yield na kinakailangan para mapanatiling matatag ang pondo.

Binigyang-diin ng mambabatas na dapat agad tugunan ang mga isyung ito sa pamamagitan ng isang masusing imbestigasyon upang mapanatili ang transparency, accountability, at integridad sa pamumuhunan at pangangalaga ng pondo ng publiko.