Nanindigan ang Cagayan de Oro City Rice and Corn Retailers Association at United Market Vendors Association na hindi garantisado na bababa ang presyo ng bigas kapag nagpatupad na ng 60-day import ban ang pamahalaan sa mga pumapasok na imported premium rice sa Pilipinas.
Ayon kay Engr. Franklin Dagcuta, president ng naturang samahan, ang balak na import ban ay posibleng magtulak a mga presyo ng bigas na mas magmahal pa kesa na bumaba pa.
Paliwanag niya, masyadong maaga ang naging pagaanunsyo ng import ban dahilan para magkaroon pa ng pagkakataon ang mga retailers na markahan ang kanilang imbentaryo kahit na binili ang mga ito sa mas mababang presyo ilang buwan na ang nakalipas.
Dapat din muna aniyang tiyakin ng pamahalaan na mayroong sapat na buffer stock ang mga supply ng bigas bago ipagbawal ang importasyon ng mga bigas sa bansa.
Samantala, matatandaan naman na sa naging pagdinig sa senado ng Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform na pinangunahan ni Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan, inihayag ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ipapatupad ang 60-day import ban sa unang araw ng Setyembre.
Inaasahan na sa pamamagitan nito ay matutulungan ang mga lokal na magsasaka na makabenta ng kanilang mga palay at makabenta sa isang maayos na presyo.