Suportado ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang inisyatibo ng Department of Interior and Local Government (DILG) na partially ban street parking sa lahat ng mga lansangan ng Metro Manila.
Sa isang pahayag, inihayag ng grupo na bagamat suportado nila ang layuning ito ng ahensya ay mas mainam aniya kung tuluyan nang ipagbabawal ang street parking sa mga lansangan kahit anumang oras.
Magugunita kasi na sa naging Joint DILG, Metro Manila Council and Regional Development Council Meeting nitong Biyernes, binabalak ng DILG na maglabas ng isang memo kung saan nakasaad dito na ipagbabawal ang street parking sa lahat ng daanan simula 5:00 am ng umaga hanggang 10:00pm ng gabi.
Samantala, sa suhestiyon naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang pagbabawal ng road-side parking ay dapat sa mga oras lamang kung kailan rush hour o sa pagitan ng mga oras na 7:00am ng umaga hanggang 10:00 am at 5:00pm ng hapon hanggang 8:00pm ng gabi na siyang kasalukuyan nang ipinapatupad sa Makati City.
Binigyang diin din ng grupo na ang solusyon na ito ng DILG at MMDA ay pawang mga ‘band-aid’ solution lamang at hindi talaga makakatulong para maresolba ang problema sa trapiko.
Samantala, naniniwala naman ang LCSP na kailangan ng pangmatagalan na solusyon sa problema ng traffic congestion sa bansa at paghihimok na rin sa pamahalaan na mas bigyang pansin ang pagsasaayos sa pampublikong transportasyon para sa ikagiginhawa rin ng mga lansangan sa kahlakhang Maynila.