Nakatakdang humarap ang hindi bababa sa 24 na mga lokal na opisyal sa mga kaso at reklamo sa Office of the Ombudsman matapos na bumiyahe patungong ibang bansa sa kabila ng umiiral na travel ban bago ang pagtama ng Bagyong Tino at Uwan ayon yan kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla.
Ayon kay Remulla, halos patapos at malapit na makumpleto ang kanilang imbestigasyon hinggil sa mga naging biyahe na ito ng mga naturang opisyal kung saan inihayag nito na nkahanda na ring isampa ang mga kasong gross neglience, gross insubordination, at abandonment of duty sa 24 na mga opisyal dahil sa naging pagliban nila sa kanilang mga trabaho at tungkulin sa gitna ng matinding kalamidad.
Dagdag pa ni Remulla, kasalukuyan nanag inaalam ng kanilang tanggapan ang petsa ng return flight ng mga ito para sa opisyal naman na pagsasampa ng mga kaso.
Ang mga sangkot na opisyal naman ay mga lider ng ilang mga lokal na pamahalaan na nakapagtala ng matinding pagbaha, malalaking pinsala at ilang casualties dahilan para imbestigahan ang kanilang mga naging pagliban.
Kinumpirma naman ni Remulla na lahat ng mapapatunayan at kailangang parusahan ay mapparasuhan kung saan nabanggit din ng kalihim na kabilang na dito ang walong alkalde at Provincial Board members ng probinsiya ng Cebu.
Samantala, matatandaan naman na ang naging pagtama ng Bagyong Tino ay nakapagdala ng halos 269 na mga casualties habang 28 naman ang naitala sa naging pagtama ng Bagyong Uwan sa bansa habang nagpapatuloy pa rin ang humanitarian assistance and disaster response operations sa mga lugar na nananatiling apektado ng mga nagdaang sama ng panahon.















