Kinumpirma ng Department of Interior and Local Government (DILG) at maging ng Philippine National Police (PNP) na hindi na kailangan pang baguhin ang kasalukuyang deployment ng kapulisan para sa pangalawang araw ng pagtitipon sa bahagi ng Quezon City at maging sa Maynila.
Sa isang panayam, ayon kay Interior and Local Secretary Jonvic Remulla, hindi naman aniya kailangan pang baguhin ang latag ng seguridad at maging ang preparasyon ng pulisya para sa mga pagtitipon na ito dahil hindi naman ito nakikitang labis na makakaapekto sa publiko.
Kasunod nito kinilala naman ni Remulla ang pagpapatupad ng pulisya ng maximum tolerance sa kabila man ng mga naging sigawan at pahayag ng ilang dumalo ay walang naging tensyon at naitalang mga insidente ng karahasan.
Maliban dito ay naging maayos din aniya ang daloy ng trapiko sa paligid ng EDSA People Power Monument at maging sa paligid ng Quirino Grandstand sa tulong na rin ng mga ginawang paghahanda ng PNP sa mga programang ito.
Ayon naman kay National Capital Region Police Office Spokesperson PMaj. Hazel Asilo, mananatili sa 16,863 ang mga deployed personnel kasama na rito ang augmentation mula sa iba’t ibang regional police offices.
Ngayong araw nakatalaga ang halos 13,751 na mga tauhan mula sa hanay ng pulisya kung saan ang halos 3,000 ay kasalukuyang pinagpahinga na muna pansamantala dahil paliwanag ni Asilo, rotational ang kanilang deployment dahil sa ngayon ay hindi naman din nakikitang kailangan ang lahat ng mga tauhan sa ground sa ngayon.
Naging as is din ang pagtatalaga ng NCRPO dahil bagamat hindi naabot ang inaasahang 300,000 na dadalo sa programa ng United People’s Initiative kahapon at dahil napagbigyang muli ang kanilang permit para sa ngayong araw ay inaasahan naman sa ngayon na papalao sa halos 50,000 ang magkakaroon ng partisipasyon sa pagtitipon na ito.
Maliban naman dito ang mga naiuulat naman na mga seditious statements na siyang mahigpit na ipinagababawal sa mga pagtitipon na ito lalo na sa ilalim ng naging kasunduan ay tinawag ni Remulla na ‘walang puwang sa komunidad’.
Aniya, ang nais ng publiko ay ang katotohanan at pananagutan ngunit daan ito’y alinsunod sa due process at naaayon sa batas.
Dagdag pa ng kalihim, ang freedom of speech ay may kaakibat na responsibilidad na dapat isaalanglang pa rin ng publiko at ng mga grupo na nagpapahayag ng kanilang mga saloobin dahil hindi hindi lamang ito makakaapekto sa iba ngunit delikado rin para sa estado.
Samantala, inaasahan naman ngayon ng DILG at ng PNP na magiging mapayapang muli ang mga ikinakasang mga pagtitipon sa EDSA People Power Monument at maging sa Quirino Grandstand.
Muli namang nagpaalala ang mga otoridad na maging mapagmatyag sa kanilang kapaligiran at agad na ipagbigay alam sa kinauukulan ang mga mamamataang mga kakaibang mga pangyayari sa mga otorisadong personnel.
















