-- Advertisements --

Pinayagan ng Sandiganbayan ang pag-urong ng mga kasong graft na may kinalaman sa multibillion-peso Pharmally scandal ka­ugnay sa pagbili ng COVID-19 medical supplies noong administrasyong Duterte.

Dahil dito, mabibigyan ang Office of the Ombudsman ng pagkakataong muling repasuhin at imbestigahan ang mga kaso.

Sa inilabas na 12-pahinang resolusyon ng First Division ng Sandiganbayan, tinukoy nito ang anim na kasong graft laban kay dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao at iba pang opisyal.

Giit ng korte, may kapangyarihan ang kasalukuyang Ombudsman na bawiin o baguhin ang mga desisyon ng kanyang naunang opisyal basta’t naaayon sa batas.

Ayon sa korte, kahit may naunang finding ng probable cause at nailabas na ang warrants of arrest, nararapat pa ring payagan ang pag-urong ng kaso matapos ang muling pagsusuri sa rekord at mga alegasyon.

Noong nakaraang buwan, iniutos ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang pag-withdraw ng mga kasong inihain sa Sandiganbayan upang muling pag-aralan ang mga ito at tiyaking handa para sa trial bago ihain muli.

Inamin niyang nagkulang sa koordinasyon ang mga team na nag-asikaso ng fact-finding, evaluation, preliminary investigation, at prosecution. Inihayag ni Remulla na kailangan ang withdrawal upang ayusin ang kakulangan sa koordinasyon ng mga team na humawak sa imbestigasyon.

Matatandaang sa Senate Blue Ribbon probe noong 2021–2022, lumabas na nakakuha ang Pharmally ng P11.5 bilyong kontrata kahit P625,000 lang ang paid-up capital nito.