(Update) TACLOBAN CITY – Patuloy ang isinasagawang hotpursuit operation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa grupo ng pinaniniwalaang New People’s Army (NPA) na nakaengkwentro ng 14th Infantry Battalion sa Sitio Bagong Bario, Brgy. Pinanag-an, Borongan City.

Ayon kay Lt. Col. Jasper Justito Pecson, acting commanding officer ng 14th IB Philippine Army, na nagsasagawa sila ng focus military operasyon sa naturang lugar nang bigla na lamang ang mga itong paulanan ng bala ng makakaliwang grupo.

Umabot ng mahigit isang oras ang naging palitan ng putok ng magkaibang panig na kung saan isang miyembro ng NPA ang napatay na kinilala sa pangalang Jolina Banado, 21, isang Grade 10 student.

Narekober naman sa naturang engkwentro ang ilang mga ammunitions, cellphones, subersive documents at ilan pang gamit ng mga rebelde.