LAOAG CITY – Arestado ang isang kasapi ng Department of Public Safety (DPS) sa isinagawang drug buy-bust operation ng Provincial Drug Enforement Unit (PDEU) sa Barangay 11 sa lungsod ng Laoag, Ilocos Norte.

Nakilala ang suspek na si Simplicio “Bongbong” Manuel Jr., residente sa Barangay 55, Barit, Laoag City.

Ayon kay PCMSgt. Harold Nicolas, pinuno ng PDEU, nakumpiska nila ang 19 na maliliit na sachet na naglalaman umano ng shabu sa posisyon ni Manuel, kasama na rito ang isang sachet na ibinenta ng suspek, P1,000 na buy-bust money at isang kutsilyo.

Sinabi ni Nicolas na kasama sa drug watchlist ng probinsya si Manuel noon pang 2016 at maituturing itong isang High Value Indibidual (HVI) bilang empleyado ng gobyerno.