Ipinag-utos ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa Coast Guard Districts, Stations at Sub-Stations na paigtingin pa ang mga operasyon laban sa iligal na droga na idinadaan sa mga karagatan.
Ito ay kasunod na rin ng pinakabagong direktiba mula kay Pangulong Ferdinand Maros Jr. sa PCG at Philippine National Police (PNP) para palakasin pa ang security measures sa lahat ng mga pantalan, waterways at iba pang points of entry sa buong kapuluan para mapigilan ang pagpasok ng mga iligal na droga.
Kabilang din sa direktiba ng Pangulo ang agad na pagsira sa mga nahaharang na kontrabando nang may full transparency para matiyak na hindi makakarating ito sa mga Pilipino.
Inatasan din ni Adm. Gavan ang PCG units na palawigin pa ang kanilang community engagement activities sa mga asosasyon ng mga mangingisda at coastal communities para matugunan ang isyu sa mga iligal na droga.
Kinilala din ng PCG Commandant ang mahalagang papel ng mga mangingisda na nagresulta sa pagkakarekober ng saku-sakong mga hinihinalang shabu na palutang-lutang sa mga karagatan.
Bunsod nito, nangako ang PCG ng pagpapalawak pa ng kanilang maritime security at safety patrols sa pamamagitan ng pagdedeploy ng mas marami pang personnel at floating assets para sa 24/7 operations lalo na sa Northwestern at Northeastern Luzon regions.
Matatandaan, nasamsam ang nasa bilyong halaga ng hinihinalang shabu sa bisinidad ng mga katubigan ng Bataan, Pangasinan, Ilocos Sur at iba pang baybayin ngayong Hunyo lamang ng kasalukuyang taon.